1. Mayroong ubasan ang aking sinta, sa libis ng bundok na lupa'y mataba, kaya ako'y aawit para sa kanya.
2. Hinukay niya ang lupa at inalisan ng bato, mga piling puno ng mabuting ubas ang kanyang itinanim dito. Sa gitna'y nagtayo siya ng isang bantayan at nagpahukay pa ng balong pisaan. Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsipagbunga, ngunit bakit ang kanyang napitas ay maasim ang lasa?
3. Kaya ngayon, mga taga-Jerusalem at mga taga-Juda, kayo ang humatol sa akin at sa aking ubasan.
4. Ano pa ba ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan? Bakit nang ako'y mamitas ng bunga, ang aking nakuha ay maasim ang lasa?
5. Kaya ganito ang gagawin ko sa aking ubasan: Puputulin ko ang mga halamang nakapaligid dito at wawasakin ang bakod. Ito'y kakainin at sisirain ng mga hayop.
6. Pababayaan ko itong malubog sa mga tinik at damo; hindi ko babawasan ng labis na dahon at sanga, hindi ko bubungkalin ang paligid ng mga puno nito; at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
7. Ang ubasang ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay walang iba kundi ang bayang Israel, at ang bayan ng Juda ang mga puno ng ubas na kanyang itinanim. Umasa siyang gagawa ito ng makatarungan, ngunit sa halip ay naging mamamatay-tao, inasahan niyang paiiralin nito'y katuwiran, ngunit panay pang-aapi ang kanilang ginawa.
8. Kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay at malawak na mga bukirin, hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao, at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain.
9. Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: Maraming tirahan ang mawawasak; malalaki at magagandang mga tahanan, sira at wasak na ito'y iiwan.
10. Sa bawat walong ektaryang ubasan, dalawampu't dalawang litrong alak lamang ang makukuha; sa bawat sampung kabang inihasik, limang salop lamang ang aanihin.
11. Kawawa ang maaagang bumangon na nagmamadali upang makipag-inuman; inaabot sila ng hatinggabi hanggang sa malasing!
12. Tugtog ng lira sa saliw ng alpa; tunog ng tamburin at himig ng plauta; saganang alak sa kapistahan nila; ngunit mga ginawa ni Yahweh ay hindi nila inunawa.
13. Kaya nga ang bayan ko ay dadalhing-bihag ng hindi nila nalalaman; mamamatay sa gutom ang kanilang mga pinuno, at sa matinding uhaw, ang maraming tao.
14. Ang daigdig ng mga patay ay magugutom; ibubuka nito ng maluwang ang kanyang bibig. Lulunukin nito ang mga maharlika ng Jerusalem, pati na ang karaniwang tao na nagkakaingay.
15. Ang lahat ng tao'y mapapahiya, at ang mayayabang ay pawang ibababa.
16. Ngunit si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, pupurihin siya sa hatol niyang matapat, at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal.
17. Sa gayon, sa tabi ng mga guho ay manginginain ang mga tupa at mumunting kambing.
18. Kawawa kayo, mga makasalanan na walang ginawa kundi humabi ng kasinungalingan; hindi kayo makakawala sa inyong kasamaan.
19. Sinasabi ninyo: “Pagmadaliin natin ang Diyos upang ating makita ang kanyang pagkilos; maganap na sana ang plano ng Banal na Diyos ng Israel, nang ito'y malaman natin.”
20. Kawawa kayo, mga baligtad ang isip! Ang mabuting gawa ay minamasama, at minamabuti naman iyong masama, ang kaliwanaga'y ginagawang kadiliman at ang kadilima'y itinuturing na kaliwanagan. Sa lasang mapait ang sabi'y matamis, sa lasang matamis ang sabi'y mapait.
21. Kawawa rin kayo, mga nag-aakalang kayo'y marurunong, at matatalino sa inyong sariling palagay!
22. Mga bida sa inuman, kawawa kayo! Mahuhusay lang kayo sa pagtitimpla ng alak;
23. dahil sa suhol, pinapalaya ang may kasalanan, at sa taong matuwid ipinagkakait ang katarungan.
24. Kaya kung paanong ang dayami ng trigo at ang tuyong damo ay sinusunog ng apoy, gayundin ang bulaklak nila'y parang alikabok na papaitaas; at ang ugat nila'y dagling mabubulok. Sapagkat tinalikuran nila ang batas ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, at ang salita ng Banal na Diyos ng Israel ay kanilang binaliwala.
25. Kaya dahil sa laki ng galit ni Yahweh, paparusahan niya ang kanyang sariling bayan. Mayayanig ang mga bundok; mga bangkay ay mangangalat na parang mga basurang sa lansanga'y sasambulat. Ngunit ang poot niya'y hindi pa mawawala, kanyang mga kamay handa pa ring magparusa.
26. Huhudyatan niya ang isang malayong bansa, tatawagin niya ito mula sa dulo ng lupa; at mabilis naman itong lalapit.
27. Isa man sa kanila'y hindi mapapagod o makakatulog o madudulas; walang pamigkis na maluwag o lagot na tali ng sandalyas.
28. Matutulis ang kanilang panudla, at nakabanat ang kanilang mga pana; ang kuko ng kanilang kabayo'y sintigas ng bakal at parang ipu-ipo ang kanilang mga karwahe.
29. Ang sigawan nila'y parang atungal ng batang leon, na nakapatay ng kanyang biktima at dinala ito sa malayong lugar na walang makakaagaw.
30. Sa araw na iyon ay sisigawan nila ang Israel na parang ugong ng dagat. At pagtingin nila sa lupain, ito'y balot ng dilim at pighati; at ang liwanag ay natakpan na ng makapal na ulap.
1. Noong taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo.
2. May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad.
3. Sinasabi nila sa isa't isa ang ganito: “Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat! Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”
4. Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok.
5. Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!”
6. Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin.
7. Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.”
8. At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!”
9. At sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga tao: ‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa; tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita.’
10. Papurulin mo ang kanilang kaisipan, kanilang pandinig iyo ring takpan, bulagin mo sila upang hindi makakita, upang sila'y hindi makarinig, hindi makakita, at hindi makaunawa. Kundi'y baka magbalik-loob sila at sila'y pagalingin ko pa.”
11. Itinanong ko: “Hanggang kailan po, Panginoon?” Ganito ang sagot niya: “Hanggang ang mga lunsod ay mawasak at mawalan ng tao, hanggang sa wala nang nakatira sa mga tahanan, at ang lupain ay matiwangwang;
12. hanggang sa ang mga tao'y itapon ni Yahweh sa malayong lugar, at ang malawak na lupain ay wala nang pakinabang.
13. Matira man ang ikasampung bahagi ng mga tao, sila rin ay mapupuksa, parang pinutol na puno ng ensina, na tuod lamang ang natira. Ang tuod na iyan ay tanda ng isang bagong simula para sa bayan ng Diyos.”
23. Sa bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta, sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24. Ginawa ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang, pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25. Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil, ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.
26. Saka inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos, sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
28. Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, ni magsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya.
29. Huwag mong sasabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin upang ako'y makaganti!”
29. Kung hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila?
30. At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras?
31. Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, [mga kapatid!] Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon!
32. Kung ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”
33. Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao.”
34. Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.
35. Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?”
36. Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay.
37. At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi.
38. Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.
39. At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda.
40. May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit.
41. Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang ningning ng mga bituin, at maging ang mga bituin ay magkakaiba ang ningning.
42. Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang inilibing ay mabubulok, ngunit hindi mabubulok kailanman ang muling binuhay;
43. walang karangalan at mahina nang ilibing, marangal at malakas sa muling pagkabuhay;
44. inilibing na katawang pisikal, muling mabubuhay bilang katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding katawang espirituwal.
45. Ganito ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay espiritung nagbibigay-buhay.
46. Ngunit hindi nauna ang espirituwal; ang pisikal muna bago ang espirituwal.
47. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit.
48. Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit.
49. Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.
50. Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang nasisira ay hindi maaaring magmana ng hindi nasisira.
51. Isang hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin,
52. sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat.
53. Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay.
54. Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!”
55. “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”
56. Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.
57. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!
58. Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society