1. Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang sambahayan ni Juda at ni Benjamin, na isandaan at walumpung libong mandirigma upang lumaban sa Israel, at ibalik ang kaharian kay Rehoboam.
2. Ngunit ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos:
3. "Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari ng Juda, at sa buong Israel sa Juda at Benjamin,
4. 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, Huwag kayong aahon o lalaban sa inyong mga kapatid. Bumalik ang bawat lalaki sa kanyang bahay; sapagkat ang bagay na ito ay galing sa akin.'" Kaya't sila'y nakinig sa salita ng PANGINOON, at nagbalik at hindi umahon laban kay Jeroboam.
5. Si Rehoboam ay nanirahan sa Jerusalem, at nagtayo siya ng mga lunsod sa Juda bilang sanggalang.
6. Kanyang itinayo ang Bethlehem, Etam, Tekoa,
7. Bet-zur, Soco, Adullam,
8. Gat, Maresha, Zif,
9. Adoraim, Lakish, Azeka,
10. Zora, Ayalon, Hebron, mga lunsod na may kuta na nasa Juda at sa Benjamin.
11. Kanyang pinatibay ang mga kuta, at naglagay ng punong kawal at nag-imbak ng pagkain, langis, at alak.
12. Siya'y naglagay ng mga kalasag at mga sibat sa lahat ng mga bayan at pinalakas silang mabuti. Sa gayon niya hinawakan ang Juda at Benjamin.
13. At ang mga pari at mga Levita na nasa buong Israel ay napasakop sa kanya mula sa lahat ng lugar na kanilang tinitirhan.
14. Iniwan ng mga Levita ang kanilang mga lupain at ari-arian at nagtungo sa Juda at Jerusalem; sapagkat pinalayas sila ni Jeroboam at ng kanyang mga anak sa paglilingkod bilang mga pari ng PANGINOON,
15. at siya'y humirang ng sarili niyang mga pari para sa matataas na dako, at para sa mga kambing na demonyo, at para sa mga guya na kanyang ginawa.
16. At ang lahat ng naglagak ng kanilang mga puso upang hanapin ang PANGINOONG Diyos ng Israel ay dumating pagkatapos nila mula sa lahat ng lipi ng Israel sa Jerusalem upang maghandog sa PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga magulang.
17. Kanilang pinalakas ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon ay pinatatag nila si Rehoboam na anak ni Solomon, sapagkat sila'y lumakad ng tatlong taon sa landas nina David at Solomon.
18. Nag-asawa si Rehoboam kay Mahalat na anak ni Jerimot na anak ni David, at ni Abihail na anak ni Eliab, na anak ni Jesse;
19. at siya'y nagkaanak sa kanyang mga lalaki; sina Jeus, Shemarias, at Zaham.
20. Pagkatapos niya, kinuha niya si Maaca na anak na babae ni Absalom; ipinanganak nito sa kanya sina Abias, Atai, Ziza, at Shelomit.
21. Minahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom nang higit kaysa lahat ng kanyang mga asawa at sa kanyang mga asawang-lingkod (nagkaroon siya ng labingwalong asawa at animnapung asawang-lingkod, at mayroong dalawampu't walong anak na lalaki at animnapung anak na babae);
22. at hinirang ni Rehoboam si Abias na anak ni Maaca bilang pinuno ng kanyang mga kapatid, sapagkat balak niyang gawin siyang hari.
23. Siya'y kumilos na may katalinuhan, at kanyang ikinalat ang ilan sa kanyang mga anak sa buong lupain ng Juda at Benjamin, sa lahat ng bayang may pader; at kanyang binigyan sila ng saganang pagkain at humanap ng mga asawa para sa kanila.
1. Nang ang paghahari ni Rehoboam ay naging matatag at malakas, kanyang tinalikuran ang kautusan ng PANGINOON, at ang buong Israel ay kasama niya.
2. Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sapagkat sila'y naging taksil sa PANGINOON, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem,
3. kasama ang isanlibo at dalawang daang karwahe, at animnapung libong mangangabayo. At ang mga taong dumating na kasama niya mula sa Ehipto ay di mabilang — mga taga-Libya, mga Sukiim, at mga taga-Etiopia.
4. Kinuha niya ang mga lunsod ng Juda na may kuta at nakarating hanggang sa Jerusalem.
5. At si Shemaya na propeta ay dumating kay Rehoboam at sa mga pi-nuno ng Juda na nagtipun-tipon sa Jerusalem dahil kay Shishac, at sinabi sa kanila, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Pinabayaan ninyo ako, kaya't pinabayaan ko naman kayo sa kamay ni Shishac'"
6. Nang magkagayon, ang mga pinuno ng Israel at ang hari ay nagpakumbaba at kanilang sinabi, "Ang PANGINOON ay matuwid."
7. Nang makita ng PANGINOON na sila'y nagpakumbaba, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Shemaya: "Sila'y nagpakumbaba; hindi ko sila pupuksain, kundi bibigyan ko sila ng ilang pagliligtas, at ang aking poot ay hindi mabubuhos sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Shishac.
8. Gayunman, sila'y magiging kanyang lingkod upang kanilang makilala ang aking paglilingkod at ang paglilingkod ng mga kaharian ng mga lupain."
9. Kaya't umahon si Shishac na hari ng Ehipto laban sa Jerusalem, tinangay niya ang mga kayamanan ng bahay ng PANGINOON at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; kinuha niyang lahat ang mga iyon. Kinuha rin niya ang mga kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.
10. Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso bilang kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala ang mga iyon sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay, na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.
11. Sa tuwing papasok ang hari sa bahay ng PANGINOON, ang bantay ay dumarating at dinadala ang mga iyon, at ibinabalik sa silid ng bantay.
12. Nang siya'y magpakumbaba, ang PANGINOON ay hindi nagalit sa kanya, kaya't hindi na nagkaroon ng lubos na pagkawasak. Bukod dito, ang kalagayan sa Juda ay naging mabuti.
13. Sa gayo'y pinatatag ni Haring Rehoboam ang sarili sa Jerusalem at siya'y naghari. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y nagpasimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing pitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng PANGINOON sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama na Ammonita.
14. Siya'y gumawa ng kasamaan, sapagkat hindi niya inilagak ang kanyang puso upang hanapin ang PANGINOON.
15. Ang mga gawa ni Rehoboam, mula una hanggang sa katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa kasaysayan ni Shemaya na propeta at ni Iddo na propeta? At mayroong patuloy na mga digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam.
16. Si Rehoboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa lunsod ni David; at si Abias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
14. Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo. Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo; pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15. ang punong itinanim ng kanang kamay mo, at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16. Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol; sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17. Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo, sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18. Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo; bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19. Panunumbalikin mo kami, O PANGINOONG Diyos ng mga hukbo; paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
19. Ang naghahatid ng tsismis ay naghahayag ng mga lihim; kaya't ang nagsasalita ng kahangalan ay huwag mong kasamahin.
20. Kung sumumpa sa kanyang ama o sa kanyang ina ang sinuman, ang kanyang ilawan ay papatayin sa pusikit na kadiliman.
21. Ang mana na madaling nakuha sa pasimula, sa katapusan ay hindi mapagpapala.
1. May ilang tao ang dumating mula sa Judea na nagtuturo sa mga kapatid, "Maliban na kayo'y tuliin ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas."
2. Pagkatapos na magkaroon sina Pablo at Bernabe ng hindi maliit na pakikipagtalo at pakikipagsalungatan sa kanila, sina Pablo at Bernabe, at ang ilan sa iba pa ay inatasang pumunta sa Jerusalem, upang talakayin ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatanda.
3. Kaya't isinugo sila ng iglesya sa kanilang paglalakbay, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabagong-loob ng mga Hentil at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.
4. Nang sila'y makarating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesya at ng mga apostol at ng matatanda, at iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.
5. Subalit ang ilang mananampalataya na kasapi sa sekta ng mga Fariseo ay tumayo at nagsabi, "Kailangang sila'y tuliin at utusang sundin ang kautusan ni Moises."
6. Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito.
7. Pagkatapos ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, "Mga ginoo, mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga unang araw ay pumili ang Diyos sa inyo, na sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Hentil ang salita ng ebanghelyo, at sila'y manampalataya.
8. At ang Diyos na nakakaalam ng puso ng tao ay nagpatotoo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo tulad nang nangyari sa atin;
9. at tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya.
10. Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng paglalagay ng pamatok sa batok ng mga alagad na kahit ang ating mga ninuno ni tayo ay hindi nakayang dalhin?
11. Ngunit naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na tulad naman nila."
12. Tumahimik ang buong kapulungan at kanilang pinakinggan sina Bernabe at Pablo na isinasalaysay ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga Hentil.
13. Nang matapos na silang magsalita ay sumagot si Santiago, "Mga kapatid, pakinggan ninyo ako.
14. Ipinaliwanag na ni Simeon kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan para sa kanyang pangalan.
15. At dito'y sumasang-ayon ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16. 'Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako'y babalik, at muli kong itatayo ang tolda ni David na bumagsak; muli kong itatatag ang guho nito, at ito'y aking itatayo:
17. upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
18. sabi ng Panginoon na nagpakilala ng mga bagay na ito mula ng una.'
19. Kaya't ang hatol ko ay huwag nating gambalain ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos.
20. Sa halip ay sumulat tayo sa kanila, na sila'y lumayo sa mga bagay na pinarumi ng diyus-diyosan at pakikiapid, at sa anumang bagay na binigti, at sa dugo.
21. Sapagkat mula sa mga unang salin-lahi, si Moises ay mayroon sa bawat lunsod na nangangaral tungkol sa kanya, dahil binabasa siya nang malakas tuwing Sabbath sa mga sinagoga."