Bibliya sa isang taon

1. Si Naaman nga, na punong kawal ng hukbo ng hari sa Siria, ay dakilang lalake sa kaniyang panginoon, at marangal, sapagka't sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria: siya rin nama'y malakas na lalake na may tapang, nguni't may ketong.
2. At ang mga taga Siria ay nagsilabas na mga pulupulutong, at nagdala ng bihag na mula sa lupain ng Israel na isang dalagita; at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.
3. At sinabi niya sa kaniyang babaing panginoon. Mano nawa ang aking panginoon ay humarap sa propeta na nasa Samaria! kung magkagayo'y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.
4. At pumasok ang isa, at isinaysay sa kaniyang panginoon, na sinasabi, Ganito't ganito ang sabi ng dalagita na nagmula sa lupain ng Israel.
5. At sinabi ng hari sa Siria, Yumaon ka, yumaon ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari sa Israel. At siya'y yumaon, at nagdala siya ng sangpung talentong pilak, at anim na libong putol na ginto, at sangpung pangpalit na bihisan.
6. At kaniyang dinala ang sulat sa hari sa Israel, na sinasabi, At pagka nga dumating sa iyo ang sulat na ito, ay talastasin mo na aking sinugo si Naaman na aking lingkod sa iyo, upang iyong pagalingin siya sa kaniyang ketong.
7. At nangyari, nang mabasa ng hari sa Israel ang sulat, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot at nagsabi, Ako ba'y Dios upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ito sa kaniyang ketong? nguni't talastasin mo, isinasamo ko sa iyo, at tingnan mo kung paanong siya'y humahanap ng dahilan laban sa akin.
8. At nagkagayon, nang mabalitaan ni Eliseo na lalake ng Dios na hinapak ng hari sa Israel ang kaniyang suot, na siya'y nagsugo sa hari, na nagsabi: Bakit mo hinapak ang iyong mga kasuutan? paparituhin mo siya sa akin, at kaniyang malalaman na may isang propeta sa Israel.
9. Sa gayo'y naparoon si Naaman na dala ang kaniyang mga kabayo at ang kaniyang mga karo, at tumayo sa pintuan ng bahay ni Eliseo.
10. At si Eliseo ay nagsugo ng sugo sa kaniya, na nagsasabi, ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis.
11. Nguni't si Naaman ay naginit, at umalis, at nagsabi, Narito, aking inakalang, walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalawgalawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong.
12. Hindi ba ang Abana at ang Pharphar, na mga ilog ng Damasco, ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis? Sa gayo'y pumihit siya at umalis sa paginit.
13. At ang kaniyang mga lingkod ay nagsilapit, at nagsipagsalita sa kaniya, at nagsabi, Ama ko, kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?
14. Nang magkagayo'y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios: at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.
15. At siya'y bumalik sa lalake ng Dios, siya at ang buong pulutong niya, at naparoon, at tumayo sa harap niya: at siya'y nagsabi, Narito ngayon, aking talastas na walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel: isinasamo ko ngayon sa iyo na tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.
16. Nguni't kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, na nakatayo ako sa harap niya, wala akong tatanggapin. At ipinilit niya sa kaniyang kunin; nguni't siya'y tumanggi.
17. At sinabi ni Naaman, Kung hindi, isinasamo ko pa sa iyo, na bigyan ko ang iyong lingkod ng lupang mapapasan ng dalawang mula; sapagka't ang iyong lingkod buhat ngayon ay hindi maghahandog ng handog na susunugin o hain man sa ibang mga dios, kundi sa Panginoon.
18. Sa bagay na ito'y patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod, pagka ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimmon upang sumamba roon, at siya'y umagapay sa aking kamay, at ako'y yumukod sa bahay ni Rimmon, pagyukod ko sa bahay ni Rimmon, na patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod sa bagay na ito.
19. At sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay yumaong payapa. Sa gayo'y nilisan niya siya ng may aguwat na kaunti.
20. Nguni't si Giezi, na lingkod ni Eliseo na lalake ng Dios, ay nagsabi, Narito, pinalagpas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga Siria, sa di pagtanggap sa kaniyang mga kamay ng kaniyang dala; buhay ang Panginoon, tatakbuhin ko siya, at kukuha ako ng anoman sa kaniya.
21. Sa gayo'y sinundan ni Giezi si Naaman, at nang makita ni Naaman na isa'y humahabol sa kaniya, siya'y bumaba sa karo na sinalubong niya, at sinabi, Lahat ba'y mabuti?
22. At kaniyang sinabi, Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon, na sinabi, Narito, dumating sa akin ngayon mula sa lupaing maburol ng Ephraim ang dalawang binata sa mga anak ng mga propeta: isinasamo ko sa iyo na bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pangpalit na bihisan.
23. At sinabi ni Naaman, Matuwa ka, kunin mo ang dalawang talento. At ipinilit niya sa kaniya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, sangpu ng dalawang pangpalit na bihisan, at mga ipinasan sa dalawa sa kaniyang mga bataan; at dinala nila sa unahan niya.
24. At nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya sa kanilang kamay, at itinago niya sa bahay: at pinayaon niya ang mga lalake, at sila'y nagsiyaon.
25. Nguni't siya'y pumasok at tumayo sa harap ng kaniyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Saan ka nanggaling Giezi? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.
26. At kaniyang sinabi, Hindi ba sumasa iyo ang aking puso nang ang lalake ay bumalik mula sa kaniyang karo na sinasalubong ka? panahon ba ng pagtanggap ng salapi, at pagtanggap ng bihisan, at ng mga olibohan, at ng mga ubasan, at ng mga tupa, at ng mga baka, at ng mga aliping lalake at babae?
27. Ang ketong nga ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailan man. At siya'y umalis sa kaniyang harapan na may ketong na kasingputi ng niebe.
1. At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, Narito ngayon, ang dakong aming kinatitirahan sa harap mo ay totoong gipit sa ganang amin.
2. Isinasamo namin sa iyo na kami ay paparoonin sa Jordan, at kumuha roon ang bawa't isa ng sikang, at gumawa kami para sa amin ng isang dako roon, na aming matatahanan. At siya'y sumagot, Magsiyaon kayo.
3. At sinabi ng isa, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay matuwa, at yumaon na kasama ng iyong mga lingkod. At siya'y sumagot, Ako'y yayaon.
4. Sa gayo'y yumaon siyang kasama nila. At nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng kahoy.
5. Nguni't samantalang ang isa'y pumuputol ng isang sikang, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig: at siya'y sumigaw, at nagsabi, Sa aba ko, panginoon ko! sapagka't hiram.
6. At sinabi ng lalake ng Dios, Saan nalaglag? At itinuro niya sa kaniya ang dako. At siya'y pumutol ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.
7. At kaniyang sinabi, Kunin mo. Sa gayo'y kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kinuha.
8. Ang hari nga sa Siria ay nakipagdigma sa Israel; at siya'y kumuhang payo sa kaniyang mga lingkod, na nagsasabi, Sa gayo't gayong dako malalagay ang aking kampamento.
9. At ang lalake ng Dios ay nagsugo sa hari sa Israel, na nagsasabi, Magingat ka na huwag dumaan sa dakong yaon; sapagka't doo'y lumulusong ang mga taga Siria.
10. At nagsugo ang hari sa Israel sa dakong isinaysay sa kaniya ng lalake ng Dios at ipinagpauna sa kaniya; at siya'y lumigtas doon, na hindi miminsan o mamakalawa.
11. At ang puso ng hari sa Siria ay nabagabag na mainam dahil sa bagay na ito; at kaniyang tinawag ang kaniyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, Hindi ba ninyo ipakikilala sa akin kung sino sa atin ang sa hari sa Israel?
12. At sinabi ng isa sa kaniyang mga lingkod, Hindi panginoon ko, Oh hari: kundi si Eliseo, na propeta na nasa Israel, ay nagsaysay sa hari sa Israel ng mga salita na iyong sinalita sa iyong silid na tulugan.
13. At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon at tingnan mo kung saan siya nandoon, upang ako'y makapagpasundo at dalhin siya. At nasaysay sa kaniya, na sinabi, Narito, siya'y nasa Dothan.
14. Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo at mga karo, at ng isang malaking hukbo: at sila'y naparoon sa gabi, at kinubkob ang bayan sa palibot.
15. At nang ang lingkod ng lalake ng Dios ay magbangong maaga, at maglabas, narito, isang hukbo na may mga kabayo at mga karo ay nakalibot sa bayan. At ang kaniyang lingkod ay nagsabi sa kaniya, Sa aba natin, panginoon ko! paano ang ating gagawin?
16. At siya'y sumagot, Huwag kang matakot: sapagka't ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila.
17. At si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata, upang siya'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siya'y nakakita, at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo.
18. At nang kanilang lusungin siya, ay nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang bayang ito. At kaniyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.
19. At sinabi ni Eliseo sa kanila, Hindi ito ang daan, o ang bayan man: sumunod kayo sa akin, at dadalhin ko kayo sa lalake na inyong hinahanap. At kaniyang pinatnubayan sila hanggang sa Samaria.
20. At nangyari, nang sila'y magsidating sa Samaria, na sinabi ni Eliseo, Panginoon, idilat mo ang mga mata ng mga lalaking ito, upang sila'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang kanilang mga mata, at sila'y nangakakita; at, narito, sila'y nangasa gitna ng Samaria.
21. At sinabi ng hari sa Israel kay Eliseo, nang makita niya sila, Ama ko, sasaktan ko ba sila? sasaktan ko ba sila?
22. At siya'y sumagot. Huwag mong sasaktan sila; sasaktan mo ba ang iyong binihag ng iyong tabak at ng iyong busog? maghain ka ng tinapay at tubig sa harap nila, upang kanilang makain at mainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.
23. At ipinaghanda niya ng malaking pagkain sila: at nang sila'y makakain at makainom, kaniyang pinayaon sila, at sila'y nagsiparoon sa kanilang panginoon. At ang pulutong ng Siria ay hindi na naparoon pa sa lupain ng Israel.
24. At nangyari, pagkatapos nito, na pinisan ni Ben-adad na hari sa Siria, ang buo niyang hukbo, at umahon, at kinubkob ang Samaria.
25. At nagkaroon ng malaking kagutom sa Samaria: at, narito, kanilang kinubkob, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay naipagbili ng walong pung putol na pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati ay ng limang putol na pilak.
26. At pagdaraan sa kuta ng hari sa Israel, humiyaw ang isang babae sa kaniya, na nagsasabi, Saklolo, panginoon ko, Oh hari.
27. At kaniyang sinabi, Kung hindi ka saklolohan ng Panginoon, sa ano kita sasaklolohan sa giikan ba, o sa ubasan.
28. At sinabi ng hari sa kaniya, Anong nangyayari sa iyo? At siya'y sumagot, Sinabi ng babaing ito sa akin, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya ngayon, at kakanin natin ang anak ko bukas.
29. Sa gayo'y pinakuluan namin ang anak ko, at kinain namin siya: at sinabi ko sa kaniya sa sumunod na araw, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya; at kaniyang ikinubli ang kaniyang anak.
30. At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot (nagdadaan nga siya sa kuta;) at ang bayan ay tumingin, at, narito, siya'y may magaspang na damit sa loob sa kaniyang katawan.
31. Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Gawing gayon ng Dios sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Saphat ay matira sa kaniya sa araw na ito.
32. Nguni't si Eliseo ay nakaupo sa kaniyang bahay, at ang mga matanda ay nagsiupo na kasama niya; at ang hari ay nagsugo ng isang lalake na mula sa harap niya: nguni't bago dumating ang sugo sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa mga matanda, Hindi ba ninyo nakita kung paanong ang anak na ito ng isang mamamatay tao ay nagsugo sa akin na alisin ang aking ulo? masdan ninyo, pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at itulak ninyo ang pinto laban sa kaniya: di ba ang ingay ng mga paa ng kaniyang panginoon sa likod niya?
33. At samantalang siya'y nakikipagusap sa kanila, narito, nilusong siya ng sugo: at kaniyang sinabi, Narito, ang kasamaang ito'y mula sa Panginoon; bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?
1. Ibigay mo sa hari ang iyong mga kahatulan, Oh Dios, at ang iyong katuwiran sa anak na lalake ng hari.
2. Kaniyang hahatulan ang iyong bayan, ng katuwiran, at ang iyong dukha, ng kahatulan.
3. Ang mga bundok ay magtataglay ng kapayapaan sa bayan, at ang mga gulod, sa katuwiran.
4. Kaniyang hahatulan ang dukha sa bayan, kaniyang ililigtas ang mga anak ng mapagkailangan, at pagwawaraywarayin ang mangaapi.
5. Sila'y mangatatakot sa iyo habang nananatili ang araw, at habang sumisilang ang buwan, sa lahat ng sali't saling lahi.
6. Siya'y babagsak na parang ulan sa tuyong damo: gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
7. Sa kaniyang mga kaarawan ay giginhawa ang mga matuwid; at saganang kapayapaan, hanggang sa mawala ang buwan.
10. Ang pangalan ng Panginoon ay matibay na moog: tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.
11. Ang yaman ng mayamang tao ay ang kaniyang matibay na bayan, at gaya ng matayog na kuta sa kaniyang sariling isip,
1. Nang masalita ni Jesus ang mga salitang ito, siya'y umalis na kasama ng kaniyang mga alagad na nagsitawid ng batis ng Cedron, na doo'y may isang halamanan, na pinasok niya at ng kaniyang mga alagad.
2. Si Judas nga rin naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nalalaman ang dako: sapagka't madalas na si Jesus ay nakikipagkatipon sa kaniyang mga alagad doon.
3. Si Judas nga, pagkatanggap ng pulutong ng mga kawal, at mga punong kawal na mula sa mga pangulong saserdote at mga Fariseo, ay nagsiparoon na may mga ilawan at mga sulo at mga sandata.
4. Si Jesus nga, na nakatataho ng lahat ng mga bagay na sasapit sa kaniya, ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, Sino ang inyong hinahanap?
5. Sinagot niya sila, Si Jesus na taga Nazaret. Sinabi sa kanila ni Jesus, Ako nga. At si Judas din naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nakatayong kasama nila.
6. Pagkasabi nga niya sa kanila, Ako nga, ay nagsiurong sila, at nangalugmok sa lupa.
7. Muli ngang sila'y tinanong niya, Sino ang inyong hinahanap? At sinabi nila, Si Jesus na taga Nazaret.
8. Sumagot si Jesus, Sinabi ko sa inyo na ako nga; kung ako nga ang inyong hinahanap, ay pabayaan ninyo ang mga ito na magsiyaon sa kanilang lakad.
9. Upang matupad ang salitang sinalita niya, Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ko iniwala kahit isa.
10. Si Simon Pedro nga na may tabak ay nagbunot nito, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang kanang tainga. Ang pangalan ng aliping yaon ay Malco.
11. Sinabi nga ni Jesus kay Pedro, Isalong mo ang iyong tabak: ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman?
12. Kaya dinakip si Jesus ng pulutong at ng pangulong kapitan, at ng mga punong kawal ng mga Judio, at siya'y ginapos.
13. At siya'y dinala muna kay Anas; sapagka't siya'y biyenan ni Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon.
14. Si Caifas nga na siyang nagpayo sa mga Judio, na dapat na ang isang tao'y mamatay dahil sa bayan.
15. At sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayon din ang isa pang alagad. Ang alagad ngang yaon ay kilala ng dakilang saserdote, at pumasok na kasama ni Jesus sa looban ng dakilang saserdote;
16. Nguni't si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang isang alagad, na kilala ng dakilang saserdote ay lumabas at kinausap ang babaing tanod-pinto, at ipinasok si Pedro.
17. Sinabi nga kay Pedro ng dalagang tanod-pinto, Pati baga ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito? Sinabi niya, Ako'y hindi.
18. Nangakatayo nga doon ang mga alipin at ang mga punong kawal, na nangagpapaningas ng sigang uling; sapagka't maginaw; at sila'y nangagpapainit: at si Pedro rin naman ay kasama nila, na nakatayo at nagpapainit.
Tagalog Bible TLBA
None